Si Heinrich Bullinger (1504 - 1575) ay isa sa pinakamahalagang reformers sa Swiss Reformation at kinilala sa pagiging manunulat ng Helvetic Confessions at sa kanyang pag-aaral at pagsusulat kasama si John Calvin sa tunay na presensya ni Kristo sa Eukaristiya
Siya ay ipinanganak noong Hulyo 18, 1504, sa bayan ng Bremgarten sa Switzerland. Anak siya ng isang paring Romano Katoliko na may relasyon sa kanyang ina, isang practice na itinuturing na normal sa maraming bahagi ng pre-Reformation Europe. Sa kanyang kabataan ay nakatanggap siya ng mabuting edukasyon sa pag-aaral ng Renaissance at nag-aral naman sa Unibersidad ng Cologne sa pagitan ng 1519 at 1522 kung saan nakuha ang kanyang B.A. at M.A. degrees.
Bagama't hindi siya nag-aral ng teolohiya sa unibersidad, dalawa sa kanyang mga guro, sina Johannes Pfrissemius at Arnold von Wesel, ay mga tagasunod ng bagong trend ng humanism. Siya ay nasa unibersidad sa panahon ng Ninety-five Theses ni Martin Luther at ang kasunod na mga kontrobersiya ng Diet of Worms. Nasa Cologne din siya nang sunugin ng publiko roon ang mga aklat ni Luther ng theological faculty noong Nobyembre 15, 1520.
Ang apoy na iyon ay nagpasiklab sa interes ni Bullinger sa teolohiya. Siya ay na-exposed sa mga aklat ng mga church fathers, kay Thomas Aquinas, at sa humanism ni Erasmus. Kanya ring binasa ang mga aklat ni Luther, ang Bagong Tipan, at noong 1521, ang bagong sistematikong teolohiya ni Philip Melanchthon, ang Loci Communes. Sa pagtatapos ng kanyang pag-aaral sa Cologne, niyakap na niya ang bagong teolohiya. Isinulat ni Bullinger sa kanyang diary na ang pagbabasa kina Erasmus, Luther, at Melanchthon ang umakay sa kanya sa Lutheranism.
Siya ay isa nang masugid na tagasunod ni Luther noong 1522. Si Bullinger ay tumigil sa pagtanggap ng Eukaristiya at hindi na itinuloy ang kanyang dating intensyon na pumasok sa Carthusian order. Dahil sa kanyang mga paniniwala at pagkilos na Lutheran, pinagbawalan siyang makakuha ng posisyong klerikal sa Simbahang Romano Katoliko.
Bumalik siya sa Switzerland at kumuha ng trabahong pagtuturo sa isang monasteryo na paaralan sa Kappel. Doon siya nakahanap ng panahon upang pag-aralan ang mga Banal na Kasulatan at magsulat ng mga komentaryo sa mga aklat ng Bagong Tipan. Narinig niya si Zwingli na nangaral sa unang pagkakataon noong 1523 at nakilahok sa reporma ng simbahan sa Kappel noong 1525. Sinamahan niya si Zwingli sa Bern noong 1528 kung saan nakilala niya ang mga pangunahing pinuno ng Swiss Reformed movement: si Berchtold Haller ng Bern, Martin Bucer ng Strassburg, at Guillaume Farel na kalauna'y magdadala ng reformation sa Geneva. Inanyayahan ni Zwingli si Bullinger na samahan siya noong 1529 sa pagpupulong kay Luther, ngunit tumanggi siya, dahil abala siya sa kanyang bagong mga responsibilidad sa pangangaral sa Kappel. Noong taong iyon ay nagpakasal din siya sa isang dating madre kung saan nagkaroon siya ng labing-isang anak.
Si Bullinger ang naging nangungunang pastor sa lungsod ng Zurich pagkamatay ni Zwingli. Noong 1531, si Zwingli at ang 24 na kapwa ministro ng Zurich ay namatay sa Ikalawang Digmaan ng Kappel na nagtatanggol sa kanilang lungsod laban sa pag-atake ng mga pwersang Romano Katoliko. Si Bullinger ay tinawag mula sa kanyang pagtuturo at pangangaral upang magpastor sa Zurich, ang isa sa pinakamahalagang pulpito sa mundo ng mga Protestante.
Ang kanyang pangunahing isinulat ay ang Decades, isang treatise sa pastoral theology, na tinawag ding House Book sa England. Si Bullinger ay isang personal na kaibigan at tagapayo ng maraming nangungunang personalidad sa panahon ng repormasyon. Nakipag-ugnayan siya sa mga teologo ng Reformed, Anglican, Lutheran, at Baptist, kasama sina Henry VIII ng England, Edward VI ng England, Lady Jane Gray at Elizabeth I ng England, Christian II ng Denmark, Philipp I ng Hesse at Frederick III, Elector ng Palatine. Ang Helvetic Confessions ay ginagamit pa rin ng mga Reformed na simbahan bilang isang teolohikong pamantayan. Ang kanyang pamana bilang isang manunulat at mananalaysay ay nananatili ngayon. Ang kanyang ideya ng covenant ay nakaimpluwensya sa pagbuo ng covenant theology.
Binuksan ni Bullinger ang Zürich sa mga takas na Protestante mula sa pag-uusig sa relihiyon sa ibang mga bansa. Matapos ang pagpasa ng Anim na Artikulo noong 1539 ni Henry VIII ng Inglatera, at muli sa panahon ng pamamahala ni Mary I ng Inglatera mula 1553–1558, tinanggap ni Bullinger ang maraming fugitives na Ingles. Nang bumalik sa Inglatera ang mga fugitives na ito pagkatapos ng pagkamatay ni Mary I, ang mga sinulat ni Bullinger ay naipamahagi ng malawak sa Inglatera. Sa England, mula 1550–1560, mayroong 77 edisyon ng kayang Decades sa latin at 137 edisyon ng vernacular translation nito na House Book. Sa paghahambing, ang Calvin's Institutes ay mayroong dalawang edisyon sa Inglatera sa mga panahong iyon. Pagsapit ng 1586, inutusan ni John Whitgrift, ang Arsobispo ng Canterbury, ang lahat ng mga mag-aaral na naghahanda sa pagpapastor na bumili at basahin ang Decades. Dahil sa kanyang pakikilahok at pakikipagsulatan sa English Reformers, kinikilala ng ilang historians si Bullinger kasama si Bucer bilang mga pinaka-maimpluwensyang teologo ng English Reformation.
Commentaires