Ang hypostatic union ay salitang ginagamit upang ilarawan kung paano ang Diyos na Anak, si Jesu-Kristo, ay nagkaroon ng kalikasan ng tao, ngunit nanatiling ganap na Diyos sa magkasabay na panahon. Si Jesus ay palaging Diyos (Juan 8:58, 10:30), ngunit sa pagkakatawang-tao si Jesus ay naging isang tao (Juan 1:14) sa pamamagitan ng pagdaragdag ng kalikasan ng tao sa kanyang banal na kalikasan. Ang hypostatic union ay nagpapahiwatig na si Jesu-Kristo ay iisang Persona, ngunit ganap na Diyos at ganap na tao.
Ang salitang hypostatic ay nanggaling sa salitang Griego na hupostasis. Ito ay ginamit halimbawa sa Hebreo 1:3 kung saan sinasabi na si Hesus ang “siyang sinag ng kaniyang kaluwalhatian, at tunay na larawan ng kaniyang pagka-Dios…” Ginamit dito ang hupostasis upang ipakita ang pagiging isa ng Diyos. Si Hesus at ang Ama ay iisa sa kanilang pagka-Diyos. Ang salitang ito na nagpapakita ng pagiging isa ni Kristo at ng Ama ay ginamit ng mga theologians upang ipakita rin ang pagiging isa ng kalikasang Diyos at kalikasang tao ni Kristo.
Ang itinuturo ng doktrina ng hypostatic union ay ang dalawang kalikasang ito ay nagkakaisa sa isang persona sa Diyos-tao. Si Hesus ay hindi dalawang persona. Siya ay isang tao. Ang hypostatic union ay ang pagsasama, mahiwaga man ito, ng banal at ng tao sa iisang persona ni Jesus.
Ang pagiging tao at pagka-Diyos ni Jesus ay hindi magkahalo, ngunit nagkakaisa nang hindi nawawala ang magkahiwalay na pagkakakilanlan. Minsan ay kumilos si Jesus nang may limitasyon bilang tao (Juan 4:6, 19:28) at sa iba pang panahon sa kapangyarihan ng Kanyang pagka-Diyos (Juan 11:43; Mateo 14:18-21). Sa dalawa, ang mga aksyon ni Jesus ay mula sa Kanyang iisang Persona. Si Jesus ay may dalawang kalikasan, ngunit isang personalidad lamang.
Comments