Meaning: Ang “total depravity” ay tumutukoy sa tinuturo ng bibliya tungkol sa kundisyon ng tao sa kanyang pagkakabagsak sa kasalanan. Itinuturo ng bibliya na dahil sa pagkabagsak ng tao sa kasalanan mula kay Adan, ang buo niyang pagkatao kasama ang isip, emosyon, laman at kalooban ay pinangungunahan ng kasalanan. Hind tayo nagiging makasalanan dahal tayo ay nagkakasala kundi nagkakasala tayo dahil tayo ay likas at natural nang makasalanan. Ang bawat tao ay makasalanan at wala sinuman ang makapagsasabi na siya ay hindi nagkakasala.
Ano ang hindi itinuturo ng Total Depravity:
Hindi nito itinuturo na ang bawat tao ay inaabot ang pinakamasamang maaari nilang maabot. Hindi nito tinuturo na walang konsensya ang tao o pakiramdam ng tama o mali.
Hindi nito itinuturo na ang tao ay hindi nakakagawa ng mabuti sa mata o sa pamantayan ng kanyang kapwa tao. Kung ikukumpara sa kanyang kapwa, ang tao ay maaaring makagawa ng mabuti kung ang pagbabatayan ay pamamantayan ng tao.
Itinuturo ng total depravity na maging ang mga gawang ito na maaring magmukhang mabuti sa batayan ng kapwa tao ay hindi sapat na kabutihan sa mata ng Diyos. Maging ang mga mabubuting gawa ng tao na hindi ginawa ayon sa pananampalataya ay dinudungisan ng kasalanan (Romans 14:23; Hebrews 11:6). Ang tao ay nakatingin sa panglabas lamang at maaari nyang makita ang isang gawain na mabuti, ngunit ang Diyos ay nakatingin hindi lamang sa labas kundi hanggang sa puso ng tao at dito ay nakikita niya na ang mga gawa nito ay mula sa pusong puno ng kasamaan at pagrerebelde sa kaniya, kung kaya’t ang mabubuting gawa ng tao ay nagmimistulang “maruming basahan” lamang sa kanyang harapan.
Anu-ano ang saklaw ng Total Depravity:
1. Ito ay nakakaapekto sa lahat ng mga tao.
“sapagkat ang lahat ay nagkasala, at walang sinumang nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos.” Romans 3:23
“Yahweh, ang lahat po ay nagkasala…” 1 Mga Hari 8:46a
Psalm 143:2, 1 John 1:8
2. Ang pagiging makasalanan ng tao ay ganap, kaya’t hindi niya maaaring ibigin ang kabanalan ng Diyos at ang pagsunod sa Diyos kung hindi rin lang mamamagitan sa kanya ang biyaya ng Diyos. Kung ang isang tao man ay makagawa ng mabuti sa harap ng Diyos ito ay magagawa lang niya dahil sa tulong ng Diyos.
Ano ngayon? Ang kalagayan ba nating mga Judio ay mas mabuti kaysa sa mga Hentil? Hindi! Tulad nga ng aming napatunayan na ang lahat ng tao ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng kasalanan, maging Judio o Hentil man. Ayon sa nasusulat, “Walang matuwid, wala kahit isa. Walang nakakaunawa, walang naghahanap sa Diyos.” Roma 3:9-11
Hinatulan sila dahil dumating ang Anak ng Dios bilang ilaw dito sa mundo, ngunit mas ginusto nilang manatili sa dilim kaysa sa lumapit sa kanya na nagbibigay-liwanag, dahil masama ang mga ginagawa nila. Ang taong gumagawa ng masama ay ayaw sa liwanag at hindi lumalapit sa liwanag, dahil ayaw niyang malantad ang kanyang mga gawa. Ngunit ang namumuhay sa katotohanan ay lumalapit sa liwanag, upang malaman ng lahat na ang mabubuti niyang gawa ay nagawa niya sa tulong ng Dios. Juan 3:19-21
Ipinapahayag ng Dios mula sa langit ang kanyang poot sa lahat ng kasamaan at kalapastanganang ginagawa ng mga tao, na siyang pumipigil sa kanila para malaman ang katotohanan tungkol sa Dios. Roma 1:18
3. Sa kaganapan ng kanyang pagkakasala, ang lahat ng ginagawa ng tao ay kasalanan.
Nguni't ang nagaalinlangan ay hinahatulan kung kumakain, sapagka't hindi siya kumakain sa pananampalataya; at ang anomang hindi sa pananampalataya ay kasalanan. Roma 14:23
At kung walang pananampalataya, hindi maaaring malugod ang Diyos sapagkat ang sinumang lumalapit sa kanya ay dapat sumampalatayang may Diyos at siya ang nagbibigay-gantimpala sa mga nagnanais maglingkod sa kanya. Mga Hebreo 11:6
Alam kong walang anumang mabuting naninirahan sa aking likas na pagkatao. Sapagkat ang pagnanais na gumawa ng mabuti ay nasa akin, ngunit hindi ko ito maisagawa. Roma 7:18
4. Ang kawalan ng kakayanan ng tao na gumawa ng mabuti sa harapan ng Diyos at sumunod sa kanya ay ganap.
Ang mga namumuhay ayon sa laman ay nagtutuon ng kanilang isipan sa masasamang hilig nito. Subalit ang mga namumuhay ayon sa Espiritu ay nakatuon sa mga nais ng Espiritu. Ang pag-iisip ng laman ay naghahatid sa kamatayan, subalit ang pag-iisip ng Espiritu ay nagdudulot ng buhay at kapayapaan. Ang pag-iisip ng laman ay pagkapoot laban sa Diyos, sapagkat hindi ito nagpapasakop sa Kautusan ng Diyos, at talaga namang hindi niya ito magagawa. At ang mga namumuhay ayon sa laman ay hindi makapagbibigay-lugod sa Diyos. Ngunit hindi na kayo namumuhay ayon sa laman, kundi ayon sa Espiritu, kung naninirahan sa inyo ang Espiritu ng Diyos. Subalit sinumang walang Espiritu ni Cristo ay hindi kay Cristo. Roma 8:5-9
Sumagot si Jesus, “Katotohanang sinasabi ko sa iyo, malibang ang isang tao ay ipanganak sa tubig at sa Espiritu, hindi siya makapapasok sa kaharian ng Diyos. Ang isinilang sa laman ay laman at ang isinilang sa Espiritu ay espiritu. Huwag kang magtaka sa sinabi ko sa iyo, ‘kailangang kayo'y ipanganak mula sa itaas.’ Juan 3:5-7
Kaya't sinasabi ko ito at pinatototohanan sa harap ng Panginoon, na hindi na kayo dapat mamuhay tulad ng mga pagano. Walang kabuluhan ang laman ng kanilang pag-iisip. Nasa dilim ang kanilang pang-unawa at malayo sa buhay na bigay ng Diyos, dahil sa kanilang kamangmangan at katigasan ng kanilang mga puso. Efeso 4:17-18
Ngunit ang taong di-espirituwal ay hindi tumatanggap ng mga bagay ng Espiritu ng Diyos, sapagkat kahangalan ang mga iyon sa kanya at hindi niya iyon nauunawaan, yamang ang mga iyon ay hinahatulan sa espirituwal na paraan. 1 Corinto 2:14
“Ang puso ng tao ay mandaraya higit sa lahat, at lubos na masama. Sino ang nakakaalam kung gaano ito kasama? Jeremias 17:9
5. Sa kaganapan ng kanyang pagiging makasalanan, ang tao ay nararapat tumanggap ng walang hanggang kaparusahan.
Darating siya sa gitna ng naglalagablab na apoy at magpaparusa sa lahat ng hindi kumikilala sa Diyos at hindi sumusunod sa ebanghelyo ng ating Panginoong Jesus. Ang parusang igagawad sa kanila'y walang-hanggang kapahamakan, at ihihiwalay sila sa Panginoon at sa kanyang dakilang kapangyarihan. 2 Tesalonica 1:8-9
At ang mga ito'y magsisialis patungo sa parusang walang hanggan, subalit ang mga matutuwid ay patungo sa buhay na walang hanggan.” Mateo 25:46
Mga maling paniniwala tungkol sa Total Depravity
A. Partial depravity or Wounded-Man Theory. Ito ang pagtuturo na ang tao, sa kabila ng kanyang pagiging makasalanan ay may kakayanan na tanggapin o manampalataya sa Diyos sa pamamagitan ng kanyang sariling kalooban o lakas. Ito ay tinatawag na “Wounded Man theory” sapagkat dito ay ihinahalintulad ang tao sa isang taong sugatan lamang na maaaring alukin ng gamot. Ang pagiging sugatan niya ay sumisimbolo sa kanyang pagiging makasalanan at ang gamot ay sumisimbolo sa kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesus. Dahil siya ay sugatan lamang, may kakayanan siya na tanggapin o tanggihan ang iniaalok na panlunas ng kanyang sugat.
Ang Total Depravity, sa kabilang-panig, ay tinatawag na Dead Man Theory. Dito ay tinatanggap na ang tao ay patay sa kanyang kasalanan, at anumang pag-alok sa kanya ng lunas upang mabuhay ay wala siyang kakayanang tanggapin o piliin dahil siya ay patay. Maaari lamang siyang manampalataya kung siya ay bibigyan ng buhay muna ng Diyos.
Ayon sa Efeso 2:1-5 “Kayo noon ay mga patay dahil sa inyong mga pagsuway at mga pagkakasala. Namuhay kayo noon ayon sa takbo ng sanlibutang ito at sumunod sa pinuno ng kapangyarihan ng himpapawid, ang espiritung kumikilos ngayon sa mga anak ng pagsuway. Tayong lahat ay kasama nila noon na namuhay sa mga pagnanasa ng laman at pinagbibigyan natin ang mga hilig ng laman at ng pag-iisip. Tayo noon ayon sa kalikasan ay katulad ng iba na kabilang sa mga taong kinapopootan ng Diyos. Ngunit ang Diyos, na mayaman sa awa, dahil sa kanyang dakilang pag-ibig sa atin, kahit noong tayo'y mga patay pa dahil sa ating mga pagsuway, ay binuhay niyang kasama ni Cristo. Dahil sa biyaya tayo'y iniligtas.
B. Common Grace. Ang paniniwalang ito ay may parteng naaayon sa Total Depravity. Tinatanggap din dito na walang kakayanan ang tao na gawin ang anuman upang siya ay maligtas, kasama na ang pagtanggap o pagpili sa Panginoon. Pinaniniwalaan dito na ang tao ay likas na walang kakayanan manampalataya sa Diyos dahil sa kaniyang pagiging makasalanan. Ngunit may malaking kaibahan ito sa Total Depravity. Ayon sa mga naniniwala dito, mayroong “common grace” o “prevenient grace” o panlahatang biyaya na ibinigay ang Panginoon sa lahat ng tao, na nagbibigay sa kaniya ng kakayanan na pillin ang Diyos kahit na noong una ay hindi nila kaya. Ayon sa kanila, ito ay nagbibigay kakayan sa sinuman na mamili at tumanggap, kayat sa huli ay tao pa rin ang makakapagdesisyon kung tatanggapin niya si Jesus o hindi. Ang doktrinang ito ay hindi natin tinatanggap sapagkat wala itong matibay na basehan mula sa Bibliya.
Comments