top of page
Writer's pictureRP Team

John Calvin (1509-1564)


Si John Calvin (1509-1564) ang kinikilalang pinaka-maimpluwensyang pastor sa kasaysayan ng simbahan. Ang kanyang sistematikong teolohiya, The Institutes of the Christian Religion, ay masasabing ang pinakamahalagang Kristiyanong aklat na nai-publish maliban sa bibliya. Si Calvin ang arkitekto ng protestant theology, at ang kanyang mga turo ay nagbunga ng pamahalaang republika, pampublikong edukasyon, at maging ang kapitalismo.


Siya ay isang pangunahing tauhan sa pagbuo ng sistema ng Christian theology na kalaunan ay tinawag na Calvinism. Kasama sa mga doktrina nito ang predestinasyon at ang ganap na soberanya ng Diyos sa pagliligtas ng kaluluwa ng tao mula sa kamatayan at walang hanggang kapahamakan. Ang mga doktrina ng Calvinists ay naimpluwensyahan at pinalawak mula sa Augustinian at iba pang mga Christian traditions. Ang iba't ibang simbahang Congregational, Reformed at Presbyterian, na tumitingin kay Calvin bilang pangunahing tagapagpaliwanag ng kanilang mga paniniwala, ay kumalat sa buong mundo.


Si Calvin ay isang walang sawang polemicist at apologetic na manunulat na nagdulot ng maraming kontrobersya. Nakipagpalitan din siya ng mga liham ng pagsuporta sa maraming mga reformers, kabilang sina Philipp Melanchthon at Heinrich Bullinger. Bilang karagdagan sa kanyang Institutes of the Christian Religion, si Calvin ay nagsulat ng mga komentaryo sa karamihan ng mga aklat ng Bibliya, mga confessional documents, at iba't iba pang theological treatises.


Si Calvin ay isinilang noong Hulyo 10, 1509, sa Noyon, France, noong si Martin Luther ay 25 taong gulang at nagsimulang magturo ng Bibliya sa Wittenberg. Ang mensahe at diwa ng Repormasyon ay hindi makakarating kay Calvin sa loob ng dalawampung taon, at samantala ay itinalaga niya ang mga taon ng kanyang kabataan sa pag-aaral ng Medieval na teolohiya, batas, at mga klasiko.


Si Calvin ay unang nagsanay bilang isang humanist lawyer. Humiwalay siya sa Simbahang Romano Katoliko noong mga 1530. Pagkatapos na sumiklab ang mga tensyon sa relihiyon at karahasan laban sa mga Kristiyanong Protestante sa France, tumakas si Calvin sa Basel, Switzerland.


Matapos makatakas mula sa Paris at tuluyang umalis sa France, nilayon ni Calvin na pumunta sa Strasbourg para sa isang buhay ng mapayapang pagsusulat. Sa Basel ay inilathala niya ang unang edisyon ng Institutes noong 1536. Ngunit habang si Calvin ay namamalagi sa Geneva, nalaman ni William Farel, ang nagniningas na pinuno ng Repormasyon sa lungsod na iyon, na naroon siya at hinanap siya. Ito ay isang pagpupulong na nagpabago sa takbo ng kasaysayan, hindi lamang para sa Geneva, kundi para sa mundo. Naalala ni Calvin:


“Nalaman kaagad ni Farel, na nag-alab sa pambihirang sigasig na isulong ang ebanghelyo, na ang puso ko ay nakatuon sa pag-uukol ng aking sarili sa pribadong pag-aaral, . . . at nakitang wala siyang napala sa pamamagitan ng mga pagsusumamo, nagpatuloy siya sa pagbigkas na isumpa ng Diyos ang aking pagreretiro, at ang katahimikan ng mga pag-aaral na aking hinahangad, kung ako ay aatras at tatangging magbigay ng tulong, samantalang ang pangangailangan ay lubhang malaki. Sa pamamagitan ng pangungusap na ito ako ay labis na tinamaan ng takot, kayat ako ay tumigil sa paglalakbay na aking ginawa.”

Sa Geneva siya ay regular na nangangaral ng mga sermon sa buong linggo. Gayunpaman, nilabanan ng namumunong konseho ng lungsod ang pagpapatupad ng kanilang mga ideya, at silang dalawa ay pinatalsik. Sa imbitasyon ni Martin Bucer, nagpatuloy si Calvin sa Strasbourg, kung saan siya ay naging ministro ng isang simbahan ng mga refugees mula sa France. Patuloy niyang sinuportahan ang kilusang reporma sa Geneva, at noong 1541 ay inanyayahan siyang bumalik upang pamunuan ang simbahan ng lungsod.


Sa ilalim ng pangangaral ni Calvin, muling nahubog ang Geneva. Bumuhos ang mga refugees mula sa England, Scotland, at France na mga tumatakas din sa pag-uusig. Sa dami ng dumating ang populasyon ng Geneva ay dumoble sa ilalim ng pagpapastor ni Calvin. Sinimulan niya ang isang programa para sanayin ang mga lalaki na bumalik sa kanilang sariling mga bansa bilang mga mangangaral ng ebanghelyo, at napakarami sa kanyang mga disipulo ang naging martir kaya ang institusyong ito ay nakilala bilang “the school of death of Calvin.”


Si Calvin unang-una ay isang mangangaral, na karaniwang nagbibigay ng anim na sermon sa isang linggo. Inilipat niya ang altar sa likod ng simbahan, at inilagay ang pulpito sa gitna, na minarkahan ang pagbabago sa layunin ng pagsamba—ang mga Kristiyano ay hindi na magtitipon para sa mga sakramento, ngunit sa halip ay para sa pangangaral ng Salita.


Ang dahilan, ayon kay Calvin, kaya’t ang simbahan ay “nadala ng napakaraming kakaibang doktrina” ay “dahil ang kaluwalhatian ni Kristo ay hindi natin nakikita”. Sa madaling salita ang nangangalaga sa pagiging totoo sa pagsunod sa bibliya ay ang pagnanasa para sa kaluwalhatian at kadakilaan ng Diyos kay Kristo.


Ang isyu ay hindi lang ang mga kilalang mga punto ng Repormasyon: ang justification, pang-aabuso ng mga pari, transubstantiation, mga panalangin sa mga santo, at awtoridad ng papa. Sa ilalim ng lahat ng mga ito ay ang pangunahing isyu kung ang kaluwalhatian ng Diyos ay nagniningning sa kabuuan nito, o kahit papaano ay nababawasan. Mula sa simula ng kanyang ministeryo hanggang sa katapusan ng kanyang buhay, ang kanyang vision ay ang sentralidad at kataas-taasang kapangyarihan at kamahalan ng kaluwalhatian ng Diyos.


Namatay si Calvin sa edad na 54— ginugol niya ang kanyang mga huling taon sa pagtataguyod ng Repormasyon kapwa sa Geneva at sa buong Europa.


439 views

Recent Posts

See All

コメント


bottom of page