Si John Wycliffe ay isang English na philosopher, theologian, tagapagsalin ng Bibliya, repormador, paring Katoliko, at isang propesor sa seminary sa Unibersidad ng Oxford. Isa siyang Pari sa Inglatera nang magsimula siyang magbasa ng Bibliya sa Latin at nakita niya kung gaano kalayo sa biblical na mga pagtuturo ang doktrinang Katoliko. Samantala, nang panahong iyon ang Papa ay tumakas sa Roma patungo sa Pransya at isang karibal na Papa ang nahalal—na parehong humiling ng katapatan ng buong Sangkakristiyanuhan. Tumanggi si Wycliffe, at hinimok ang iba na gawin din iyon.
Siya ay naging isang maimpluwensyang dissident sa loob ng Romano Katolikong pagkapari noong ika-14 na siglo at itinuturing na isang mahalagang haligi sa Protestantismo. Kinuwestiyon ni Wycliffe ang pribiliheyo ng mga clergy, na nagbigay sa kanila ng makapangyarihang authority sa England, at ang karangyaan ng mga lokal na parokya at ang kanilang mga seremonya.
Na-realize ni Wycliffe na ang pinakamabisang paraan upang labanan ang kamalian ay sa pamamagitan ng Kasulatan, kaya sinimulan niya ang unang salin ng Bibliya sa Ingles. Itinaguyod ni Wycliffe ang pagsasalin ng Bibliya sa karaniwang katutubong wika. Ayon sa tradisyon, sinasabing nakatapos si Wycliffe ng isang pagsasalin nang direkta mula sa Vulgate patungo sa Middle English – isang bersyon na kilala ngayon bilang Wycliffe's Bible. Bagama't malamang na personal niyang isinalin ang mga Ebanghelyo nina Mateo, Marcos, Lucas, at Juan, posibleng isinalin niya ang buong Bagong Tipan. Ipinapalagay rin na ang kanyang mga kasama ang nagsalin ng Lumang Tipan.
Dahil dito, idineklara siyang heretic ng mga Papa at isinailalim sa house arrest. Doon siya namatay, ngunit ang kanyang pagsasalin ay naghasik ng mga binhi ng katotohanan na makakaapekto sa England sa mga henerasyon.
Ang mga naging tagasunod ni Wycliffe, na mapanlait na tinawag na Lollards noong ika-15 at ika-16 na siglo, ay sinundan ang mga pagtuturo ni Wycliffe tulad ng mga theological virtues, predestination, at iconoclasm (ang pagtanggal sa mga imahe at rebulto), habang nilalabanan naman ang mga paniniwalang Romano Katoliko katulad ng mga sakramento, ang monasticism, at ang pagiging lehitimo ng Papacy. Ang kilusan ng mga Lollards ay naging paunang movement ng Protestant Reformation. Dahil dito si Wycliffe ay kinikilala ng ilan bilang "evening star" ng scholasticism at bilang “morning star” ng English Reformation.
Apatnapung taon pagkatapos ng kanyang kamatayan, inutusan ng Simbahan na hukayin at sunugin ang kanyang katawan, pagkatapos ay itinapon ang kanyang abo sa Swift River. Ngunit sa halip na pigilan ang Repormasyon, ang mga katotohanang isinalin ni Wycliffe ay kumalat mula sa Inglatera, sa kabila ng dagat, at sa Europa, na kalaunan ay nagresulta sa tinatawag natin ngayon na Protestant Reformation.
Commenti