top of page
Writer's pictureJeff Chavez

Paano Magbasa ng Salita ng Diyos? Prayerful Reading



Sa aklat ng mga Awit ating mababasa ang larawan ng isang tunay na pinagpapala ng Diyos (1:1-3). Hindi lamang siya umiiwas sa kasamaan kundi siya ay nagbubulay araw at gabi ng Salita ng Diyos. Hindi tuwing linggo, isang beses sa isang linggo lamang, isang buwan o isang taon.


Ang tunay na nakakakilala sa Diyos ay may kagalakan sa Kanyang Salita. Sa seryeng ito ating tittingnan kung paano nga ba magbasa ng Salita ng Diyos at makinabang mula dito. Hindi ibinigay ang Bibliya para punuin lang ang ating kaalaman kundi sa pagdagdag ng ating kaalaman ito ay ating maisasabuhay tungo sa pagiging kawangis ng ating Panginoong Hesu-Kristo.


Una ay ang magbasa ng nananalangin o ‘prayerful reading’. Ang ating pagbabasa ng salita ng Diyos ay hindi natin gagawin buhat sa ating sariling pang-unawa lamang.


Sa ika-24 na gabay ni Thomas Watson sa pagbabasa ng Bibliya, kanyang sinabi na manalangin na loobin ng Diyos na ikaw ay makinabang o ‘Pray that God will make you profit.’ Ano ang ating ipapanalangin? Una, manalangin para sa biyayang nagbibigay liwanag o ‘illuminating grace’, at pangalawa, manalangin para sa biyayang nagbibigay lakas o ’empowering grace.’

Buksan mo ang aking mga mata upang makita ko ang kahanga-hangang mga bagay sa kautusan mo… Bigyan mo ako ng pang-unawa upang aking maingatan ang kautusan mo, at akin itong susundin ng buong puso ko. Mga Awit 119:18, 34

Illuminating grace


Manalangin para sa biyayang nagbibigay liwanag sa ating isipan. Kailangan nating manalangin at hilingin na buksan ng Diyos ang ating mga mata, puso at isipan. Aminin natin ang ating kahinaan. Malibang buksan ng Diyos ang ating mga mata hindi natin makikita ang katotohanan ng Diyos. Sa pagbanggit ng manunulat sa mga Awit, sinabi niya na bigyan mo ako ng pang-unawa upang aking maingatan ang kautusan mo.


Hindi lang kailangan buksan ng Diyos ang ating mga mata upang makita ang kapahayagan ng Diyos sa Bibliya kundi kailangan ding bigyan Niya tayo ng pang-unawa. Muli, hindi sinabi na bigyan mo ako ng kapahayagan, kundi pang-unawa. Tapos na ang kapahayagan ng Diyos sa Kanyang Salita. Nasa bibliya na ang dapat nating malaman para ating makilala ang Diyos tungo sa ating kaligtasan (2 Tim 3:16). May mga katotohanan din sa Bibliya na hindi natin agad mauunawaan kaya kailangan natin ang pang-unawa na nagmumula sa Diyos.


Ang mga mananampalataya, bagaman binago na ng biyaya ng Diyos ay may nananatili pa ring kasalanan. Kaya naka-depende tayo sa Banal na Espiritu upang ito’y ating maunawaan. Sa anumang ginagawa natin, tayo ay naka-depende lamang sa Espiritu ng Diyos. Lahat ay buhat sa Kanyang biyaya lamang. Tandaan mo ito kapatid!


Kapatid, nananalangin ka pa rin ba para maunawaan ang Salita ng Diyos o mabilisan at tila umaasa ka sa iyong sariling karunungan tuwing nagbabasa ka ng Bibliya?


Empowering Grace

Pagkatapos natin manalangin para sa biyayang nagbibigay liwanag ay manalangin din naman tayo sa biyayang nagbibigay lakas para mailapat ito sa ating pamumuhay. Hindi dapat matapos sa pagkaunawa ang ating pagbabasa. Ang layunin natin ay maisabuhay ito sa biyaya ng Diyos.


Inihayag ng mang-aawit ang kahalagahan nito nang kanyang sinabi na, “Bigyan mo ako ng pang-unawa upang aking maingatan ang kautusan mo, at akin itong susundin ng buong puso ko” (34).


Sinabi ni J.C. Ryle sa kanyang aklat na Practical Religion na basahin natin ang Bibliya sa espiritu ng pagsunod at pagsasabuhay (read the Bible in a spirit of obedience and self-application). At hindi natin ito magagawa kung hindi kikilos ang Banal na Espiritu sa ating buhay.


Isang nakakalungkot na tanawin ang mamasdan ang ilan na binabasa ang Bibliya para punuin lamang ang isipan at hindi sinisikap na ma-impluwensiyahan nito ang ating puso at buhay. “That Bible is read best which is practised most”, ika nga ni J.C. Ryle.


Kapatid, nanalangin ka ba na ang iyong binasa kaninang umaga ay iyong maisabuhay sa biyaya ng Diyos?


Sa lahat ng ito, sapat ang biyaya ng Diyos upang gawaran tayo ng lakas na kailangan natin sa paglalapat ng Salita ng Diyos sa ating buhay. Bago magbasa ng Bibliya, manalangin ka. Habang ikaw ay nagbabasa ng Bibliya, manalangin ka. Pagkatapos mo magbasa ng Bibliya, manalangin ka.


Pero kung wala ka pa sa ating Panginoong Hesu-Kristo, hindi mo kailanman nanaisin o iibigin ang Salita ng Diyos dahil ayaw mo sa Kanya (Roma 8:7, 1 Cor 2:14). Ikaw ay binulag ng diyos ng sanlibutang ito (2 Cor 4:4). Kailangan mo ang Ebanghelyo na nagbibigay ng liwanag at paningin upang makita mo ang kaluwalhatian ng Diyos sa mukha ni Kristo (2 Cor 4:6).


Sa Diyos lamang ang Papuri!



 

Posted with permission from Bro Jeff Chavez, Deacon, Herald of Grace Covenant Bible Church - HGCBC Cavite and owner/writer of the blog TheologyCheck. Original blog post here.

63 views

Recent Posts

See All

Comentarios


bottom of page