top of page
Writer's pictureRP Team

Word of Faith/Prosperity Gospel Tagalog Primer



I. History


A. Movements


1. New Thought

Ang New Thought movement ay isang espirituwal na kilusan na pinagsama-sama sa Estados Unidos noong unang bahagi ng ika-19 na siglo. Ang New Thought ay pinaniniwalaan ng mga tagasunod nito bilang pumalit sa "Ancient Thoughts", o ang pinagsama-samang karunungan at pilosopiya mula sa iba't ibang sources, katulad ng sa mga Griyego, Romano, Egyptian, Tsino, Taoist, Vedic, Hindu, at mga kulturang Budista at ang mga nauugnay na sistema ng paniniwala nito. Pangunahin sa mga paniniwala nito ang tungkol sa pakikipag-ugnayan sa pagitan ng pag-iisip, paniniwala, kamalayan sa isip ng tao, at ang mga epekto ng mga ito sa loob at labas ng isip ng tao. Naniniwala ang mga tagasunod ng New Thought movement na ang bawat tao ay may divinity o pagka-diyos, na ang isip ng tao ay isang pwersa na maaaring gamitin sa kabutihan, na ang mga sakit ay galing lang sa isipan at sa isipan ay kaya rin pagalingin ang mga ito.


2. Holiness Movement

Ang Holiness movement ay isang kilusang Kristiyano na pangunahing umusbong sa loob ng ika-19 na siglong Methodism. Ang sinusundan nilang theology ay Wesleyan. Ang movement na ito ay kinikilala sa pagbibigay diin sa doktrina ng pangalawang gawain ng biyaya (second work of grace) na karaniwang tinatawag na entire sanctification o perfect sanctification ng Kristiyano. Sentro sa doktrina ng Holiness Movement ang pagkakaroon ng “perfection" na nagpapahiwatig ng pagiging ganap ng Christian character, ang lubos na kalayaan mula sa lahat ng kasalanan, at ang pagkakaroon ng lahat ng mga biyaya ng Banal na Espiritu.


Marami sa mga sinaunang Pentecostal ay nagmula sa Holiness movement, at hanggang ngayon maraming mga Pentecostal ang nanatiling sumusunod sa karamihan ng doktrina at marami sa mga practices nito. Ang mga salitang "pentecostal" at "apostolic", na ngayon ay ginagamit ng mga sumusunod sa Pentecostal at charismatic doctrine, ay dating malawakang ginamit ng mga simbahan ng Holiness movement kaugnay ng perfectly sanctified life na nakikita nilang inilarawan sa Bagong Tipan.


B. Founders


1. Phineas Parkhurst Quimby

Si Quimby ay isang mentalist na pinag-aralan ang paggamit ng isipan sa pagpapagaling ng mga sakit sa katawan. Siya ay dumanas ng sakit na tuberculosis na wala pang gamot noong mga panahong iyon. Napansin niya na sa kanyang pagsakay ng kabayo ay saglit na nababawasan ang sakit na nararamdaman niya sa kanyang katawan. Sinasabi niyang napagaling niya ang kanyang sakit sa pamamagitan lamang ng kapangyarihan ng kanyang isipan. Sinimulan niyang magpagaling ng iba't ibang mga tao gamit lang ang kanyang isip, at isa sa naging pasyente niya ay si Mary Baker Eddy, ang founder ng Christian Science na relihiyon. May mga nagsasabing ang mga pagtuturo ni Quimby ay nakapag bigay ng impluwensiya sa mga doktrinang sinimulan ni Mary Baker Eddy sa kanyang relihiyon. Gayunpaman ang mga pagtuturo ni Quimby ay walang koneksyon sa relihiyon at naka focus lang sa kapangyarihan ng isip ng tao. Ang mga pag-aaral at pagsusulat ni Quimby ang kinikilalang naging pundasyon ng New Thought movement.


2. Essek William Kenyon (1867–1948)

Si EW Kenyon ay isang pastor ng mga Methodists at Free Will Baptists na isa sa kinikilala na nagpasimula ng makabagong "positive confession" theology na laganap sa Word of Faith Pentecostalism. May mga basehan na si Kenyon ay labis na naiimpluwensyahan ng New Thought Movement noong panahon na nag-aaral siya sa Emerson School, at na binuo niya ang pagtuturo ng "positive confession" mula sa impluwensyang iyon. Maaari rin na naging impluwensya kay Kenyon ang mga turo ng Holiness Movement, Faith Cure at Higher Life movement na aktibo noong huling bahagi ng ika-19 na siglo.


3. Kenneth E. Hagin

Si Kenneth Hagin ay isang Amerikanong preacher na kinikilala bilang nag pioneer ng Word of Faith movement. Ayon sa kanya ay namatay siya ng ilang beses habang nasa isang malubhang sakit. Doon sa ilang minuto ng kanyang kamatayan ay napupunta siya sa impiyerno at pagkatapos ay mabubuhay siya ng muli. Ang experience na ito ay lubhang nagbigay ng takot sa kanya kaya't naconvert siya sa pagiging Kristiyano. Pagkatapos ng isang taon, siya ay gumaling sa kanyang sakit at sinasabi niyang ang dahilan ay ang kanyang pananampalataya. Siya ay naging pastor at nagsimula ng mga simbahan kung saan itinuto niya ang Word of Faith. Marami ang kumikilala kay Hagin bilang ama at founder ng Word Faith movement ngunit ang anak ni EW Kenyon ay nagsabi na ang ilang mga isinulat na aklat ng kanyang ama ay kinopya lamang ni Hagin kaya't si Kenyon ang dapat na kilalanin bilang pinaka-ama ng kilusang ito.


4. Kenneth Copeland

Si Kenneth Copeland ay isa sa mga estudyante ni Kenneth Hagin sa mga pastor's seminars nito. Pagkagaling sa mga seminars ni Hagin ay nagsimula siya ng kanyang ministeryo at itinuloy ang pagtuturo ng Word Faith at Prosperty Gospel. Nakilala siya bilang isa sa pangunahing mangangaral ng mga ito. Isinulat ni Copeland na ang mga kanyang mga miyembro ay makakakuha ng "daang ulit" na balik sa kanilang "puhunan" sa pamamagitan ng pagbibigay sa Diyos. Si Copeland ang isa sa pinakamayamang pastor at mangangaral ng Word Faith movement. Siya ay binabatikos dahil sa kanyang paggamit ng mga donasyon at tax exempt status para tustusan ang isang mansyon, pribadong jet, paliparan at iba pang marangyang pagbili.


II. Beliefs

  1. Ang paniniwala sa "lakas ng pananampalataya." Ito ay pinaniniwalaan na ang mga salita ay maaaring gamitin upang manipulahin ang puwersa ng pananampalataya, at sa gayon ay aktwal na lumikha ng kanilang pinaniniwalaan na mga pangako ng Kasulatan (kalusugan at kayamanan). Ang mga batas na umano'y namamahala sa puwersa ng pananampalataya ay sinasabing gumagana nang hiwalay sa sovereign will ng Diyos at ang Diyos Mismo ay napapailalim sa mga batas na ito.

  2. "Positive Confession" Ito ay tumutukoy sa pagtuturo na ang mga salita ng tao mismo ay may kapangyarihang lumikha o "mag-attract" ng mga dinedeklara nito. Ito ay tinatawag din ng ilan na "Law of Attraction"

  3. By extension, sinusunod din ng marami sa kanila ang doktrina ng "little gods". Itinuturo dito na ang mga tao ay divine, at nang likhain sa imahe ng Diyos ay katulad ng Diyos sa mga katangian at kapangyarihan. Sa kanilang turo, kapag may sapat na pananampalataya ang isang tao, maaaring siyang magkaroon ng mga bagay na kanyang bibigkasin o iisipin, dahil meron siyang kapangyarihan na tulad ng sa Diyos.

  4. Naniniwala na ang kayamanan at kalusugan ay ipinangako sa lahat ng mga Kristiyano at ito ang mga palatandaan ng matagumpay na buhay Kristiyano.

  5. Naniniwala na ang kayamanan at kalusugan din ang paraan na naluluwalhati ang Diyos sa ating buhay.

  6. Naniniwala na ang kabiguang makamit ang mga ito ay nangangahulugan na may mali sa Kristiyano. Samakatuwid ang sukatan ng espirituwalidad ng isang tao ay batay sa kanyang pananalapi at pisikal na tagumpay.

  7. Ang Abrahamic covenant at iba pang old testament covenants ay mga paraan sa materyal na pagyaman.

  8. Ang pagbabayad-sala ni Jesus ay umaabot hanggang sa “kasalanan” ng materyal na kahirapan. Kaya't itinuturo ng iba na hindi kasalanan na ipanganak ng mahirap, ngunit kasalanan ang mamatay ng mahirap sapagkat ito ay binawi na ni Jesus sa krus.

  9. Nagbibigay ang mga Kristiyano upang makakuha ng materyal na kabayaran mula sa Diyos.

  10. Ang panalangin ay isang kasangkapan upang pilitin ang Diyos na magbigay ng mga pagpapala, ito man ay kalooban ng Diyos o hindi.

  11. Ang pagbibigay sa “pastor” o “tao ng Diyos” ay isang mahusay na paraan ng pagpapala.

  12. Isang maling pananaw sa eschatology. Ang mga pagpapalang ipinangako sa langit ay inaangkin na habang nabubuhay pa ngayon dito sa lupa.

III. Problems

  1. Ang prosperity gospel ay nagpapababa sa sovereignity ng Diyos. Inilalagay na ang Diyos ay nasa ilalim ng mga batas nito. na ang Diyos ay obligadong magpala sa mga nagbibigay sa simbahan o sa pastor, na ang Diyos ay walang karapatan sa mundo kundi dahil sa permiso ng mga tao, at iba pa. Gayunpaman, sinasabi sa bibliya na "Ang Diyos nami'y nasa langit, naroroon ang Diyos namin, at ang kanyang ginagawa ay kung ano ang ibigin." (Mga Awit 115:3). Walang maaaring maglimita o pumuwersa sa kanya lalo na ang tinatawag na "faith-force" o kapangyarihan ng pananampalataya ng tao.

  2. Pinapahirap nito ang langit. Sinabi ni Jesus, "Napakahirap para sa mga may kayamanan na makapasok sa kaharian ng Diyos!" Ang kanyang mga alagad ay namangha, gaya ng dapat gawin ng marami sa prosperity movement. Kaya't lalo pang pinataas ni Jesus ang kanilang pagkamangha sa pagsasabing, "Mas madaling dumaan sa butas ng karayom ​​ang isang kamelyo kaysa makapasok sa kaharian ng Diyos ang isang mayaman." Sila ay tumugon sa hindi paniniwala: "Kung gayon sino ang maliligtas?" Sinabi ni Jesus, “Imposible sa tao, ngunit hindi sa Diyos. Sapagkat ang lahat ng bagay ay posible sa Diyos” (Marcos 10:23-27). Kung mahirap sa mayaman na makapasok sa kaharian ng Diyos, ang pagtuturo sa mga miyembro na dapat silang maging mayaman ay maaaring makapinsala sa kanilang espirituwal na kalagayan.

  3. Ang pagnanais para sa kayamanan ay nagututlak sa kamatayan at kapahamakan. Nagbabala si apostol Pablo laban sa pagnanais na maging mayaman. At sa implikasyon, nagbabala siya laban sa mga mangangaral na nagtuturo sa pagnanais na yumaman sa halip na tulungan ang mga tao na alisin ito. Nagbabala siya, “Ang mga nagnanasang yumaman ay nahuhulog sa tukso at nasisilo sa bitag ng masasama at mga hangal na hangarin na nagtutulak sa kanila sa kamatayan at kapahamakan. Sapagkat ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng kasamaan. Dahil sa paghahangad na yumaman, may mga taong nalalayo sa pananampalataya at nasasadlak sa maraming kapighatian.” (1 Timoteo 6:9-10).

  4. Ang mga kayamanan sa lupa ay "bad investments". Nagbabala si Jesus laban sa pagsisikap na mag-ipon ng mga kayamanan sa lupa; ibig sabihin, sinasabi niya sa atin na maging tagabigay. ““Huwag kayong mag-impok ng mga kayamanan dito sa lupa; dito'y may naninirang insekto at kalawang, at may nakakapasok na magnanakaw.20 Sa halip, mag-impok kayo ng kayamanan sa langit; doo'y walang naninirang insekto at kalawang, at walang nakakapasok na magnanakaw.” ( Mateo 6:19-20).

  5. Maging ang trabaho at negosyo natin ay hindi para sa ating pagpapayaman. Ang trabaho ay hindi para sa pagpapayaman. Sinabi ni Paul na huwag tayong magnakaw kundi magtrabaho gamit ang ating sariling mga kamay. Ngunit ang pangunahing layunin ay hindi lamang mag-imbak o kahit na magkaroon. Ang layunin ay "magkaroon upang magbigay." (Ephesians 4:28)

  6. Dapat nating ilagay ang ating pananampalataya sa Diyos, hindi sa pera. May dahilan kung bakit sinasabi sa atin ng manunulat sa mga Hebreo na maging kontento sa kung ano ang mayroon tayo. Ito ay sapagkat ang kabaligtaran nito ay nagpapahiwatig ng mas maliit na pananampalataya sa mga pangako ng Diyos. Sabi niya, “Huwag kayong magmukhang pera; at masiyahan na kayo sa anumang nasa inyo. Sapagkat sinabi ng Diyos, “Hindi kita iiwan ni pababayaan man.” Kaya't malakas ang loob nating masasabi, Ang Panginoon ang tumutulong sa akin, hindi ako matatakot. Ano ang magagawa sa akin ng tao?” (Hebreo 13:5-6).

  7. Tayo ay dapat maging asin at ilaw. Ano ba ang mayroon sa mga Kristiyano na ginagawa silang asin ng lupa at liwanag ng mundo? Hindi ito kayamanan. Ang pagnanais para sa kayamanan at paghahangad ng kayamanan ay walang pinagkaiba sa sanlibutan. Ang pagiging asin at liwanag ay nagpapahiwatig ng pagiging iba natin sa sanlibutan, ngunit ang paghahangad natin sa kayamanan ay ginagawa tayong katulad nito. Ang paraan ng pagiging asin at liwanag natin ay sa pamamagitan ng pagpapakita ng ating pag-ibig at kagalakan kay Kristo, hindi ang pag silaw sa mga tao sa pamamagitan ng mga kayamanan o mga bagay na makamundo.

  8. Huwag kalimutan ang kapalit ng pagiging disipulo. Ang nawawala sa karamihan sa pangangaral ng kasaganaan ay ang katotohanan na ang Bagong Tipan ay nagbibigay-diin sa pangangailangan ng pagdurusa nang higit pa kaysa sa paniniwala ng materyal na kasaganaan. Sinabi ni Jesus sa Juan 15:20 "Alalahanin ninyo ang sinabi kong ito: walang aliping higit kaysa kanyang panginoon. Kung ako'y inusig nila, uusigin din nila kayo. Kung sinunod nila ang aking sinabi, susundin rin nila ang inyong sasabihin."

  9. Dapat nating mahalin ang Tagapagbigay at hindi ang mga regalo. Love the Giver and not the gifts. Ang sentro ng ating kayamanan ay si Kristo. Ang ating pagiging pinagpala sa Kaniya, ay hindi nababase sa kung tayo ay mayaman o hindi dito sa sanlibutan. Dapat nating ipakita sa ating mga buhay na dumating man ang materyal na kayamanan o hindi, ang sentro ng ating kayamanan at pagsamba ay nananatiling si Kristo.

IV. Personalities


Naririto ang isang listahan ng mga prosperity preachers na dapat iwasan. Hindi kumpleto ang listahang ito:

  • Kenneth Hagins

  • Jim and Tammy Faye Baker

  • Oral Roberts

  • Pat Robertson

  • Benny Hinn

  • Creflo Dollar

  • Jesse Duplanis

  • Mike Murdoch

  • Rod Parsley

  • Jimmy Swaggart

  • Joel Osteen

  • TD Jakes

  • Joyce Meyer

  • Paula White

  • Fred Price

  • Kenneth Copland

  • Robert Tilton

  • Eddie Long

  • Juanita Bynum

  • Paul and Jan Crouch

  • John Avanzini

V. Conclusion


Ang prosperity gospel ay kahawig ng ilan sa mga mapanirang sekta ng kasakiman na pumasok sa unang simbahan. Si Pablo at ang iba pang mga apostol ay hindi nakikiayon o nakipagkasundo sa mga huwad na guro na nagpalaganap ng gayong maling pananampalataya. Kinilala nila sila bilang mapanganib na mga huwad na guro at hinimok ang mga Kristiyano na iwasan sila. Dapat nating bantayan ang ating mga sarili at kinaaanibang simbahang na huwag bumagsak dito. Kung tayo ay nasa ganitong uri ng simbahan, mainam na tayo ay manalangin para dito o umiwas at umattend sa isang simbahan na nagtuturo ng mga tamang doktrina mula sa salita ng Diyos.


Tandaan ang mga sinabi ni Jesus:


“Mag-ingat kayo sa lahat ng uri ng kasakiman; sapagkat ang buhay ng tao ay wala sa dami ng kanyang kayamanan.” (Luke 12:15)


"Ano ba ang mapapala ng isang tao makamtan man niya ang buong daigdig, ngunit mapapahamak naman ang kanyang sarili? Ano ba ang maibabayad ng isang tao para mabawi niya ang kanyang buhay?" (Mark 8:36-37)




305 views

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page